MANILA – Nanawagan si Health Sec. Francisco Duque III sa mga residente ng Quezon City na tumanggap ng ivermectin, na mag-report sakaling makaramdam sila ng side effect sa pag-inom ng nasabing gamot.
“Kung meron po kayong ibang naramdaman dahil uminom po kayo nito, tumawag po kayo sa hotline para mapangalagaan kayo or maasikaso kung meron man naging kakaibang epekto na naranasan, dapat tumawag sa FDA,” ani Duque.
Kung maaalala, itinuloy pa rin ng ilang kongresista ang pamimigay ng ivermectin sa Brgy. Matandang Balara kahit maraming health experts na ang nagsabi na wala pang matibay na basehang epektibo at ligtas ang ivermectin na panlaban sa COVID-19.
Mismong ang kompanya na gumagawa nito, na Merck, ang nagsabi na kulang pa ang mga datos para masabing mabisa ang ivermectin sa coronavirus patients.
Una nang sinabi ni Duque na dapat imbestigahan ng Food and Drug Administration ang kwestyonableng reseta ng mga doktor sa inisyatibo, na nakasulat lang sa kapirasong papel.
Sa kasalukuyan, limang ospital pa lang ang nagagawaran ng compassionate special permit ng FDA para gumamit ng ivermectin sa kanilang COVID-19 patients.