-- Advertisements --
image 244

Target ng Department of Trade and Industry (DTI) na lampasan ang foreign direct investment (FDI) inflows ng mga karatig bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Sa isang pahayag, sinabi ni DTI Undersecretary Ceferino Rodolfo na umabot sa $28 billion ang net foreign direct investment inflows ng bansa mula 2020 hanggang 2022.

Sinabi ni Rodolfo, na siya ring managing head ng Board of Investments (BOI), na nalampasan ng Pilipinas ang mga papasok na foreign direct investment ng Malaysia at Thailand noong 2021, habang ang bansa ay nagtala ng record-high inflows na $10.5 billion.

Sinabi niya na si DTI Secretary Alfredo Pascual ay nangangako sa Pangulo na malampasan ang papasok na foreign direct investment ng Vietnam sa kalagitnaan ng termino ng administrasyong Marcos at lampasan ang inflows ng Indonesia sa 2028.

Kung matatandaan, noong 2021, pinangunahan ng Singapore ang halaga ng foreign direct investment inflows na umabot sa humigit-kumulang $80 billion, sinundan ng Indonesia na may $20 billion, at Vietnam na may $15 billion.

Ngayong taon, target ng Board of Investment na maabot ang investment approvals na P1.5 trillion.