Nagsampa ng Department of Trade and Industry (DTI) ng mga pormal na reklamo laban sa walong kontratista na sangkot umano sa iskandalo sa flood control projects.
Ayon sa DTI, ang mga reklamo ay isinampa sa ilalim ng Executive Order No. 913 (1983) at iba pang batas pangkalakalan, dahil sa posibleng paglabag sa construction industry regulations ng mga naturang kontratista.
Kabilang sa mga pinangalanang kontratista ang ilan sa top 15 firms na umano’y kumorner ng 20% ng P545-bilyong flood control contracts, ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kasama sa mga nasampahan ng kaso:
Legacy Construction Corporation
Centerways Construction & Development Inc.
Alpha & Omega General Contractor & Development Corp.
MG Samidan Construction
L.R. Tiqui Builders Inc.
QM Builders
EGB Construction Corporation
Hi-Tone Construction & Development Corp.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, inihain ang mga reklamo sa Philippine Contractors Accreditation Board – Monitoring and Enforcement Division (PCAB-MED), na siyang nag-iimbestiga sa mga paglabag ng mga kontratista.
Dagdag ng DTI, maaari nitong suspindehin ang lisensya ng mga sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Bukod sa walong ito, walo pang kontratista ang nakatakdang masampahan din ng reklamo, kabilang ang Triple 8 Construction & Supply, Topnotch Catalyst Builders, Sunwest Inc., at Road Edge Trading & Development Services.
Tiniyak ng DTI na nagpapatuloy ang fact-finding investigation sa pakikipag-ugnayan sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang mapanatili ang transparency at accountability sa mga proyekto ng pamahalaan.










