KALIBO, Aklan–Sinaksihan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Undersecretary Allan Tanjusay ang ikalawang distribusyon ng educational assistance sa mga mahihirap na estudyante sa lalawigan ng Aklan ngayong araw ng Sabado, Agosto 27.
Aniya, kahit na nagkaroon ng ilang glitches ngunit sa kabuuan ay naging mas maayos at sistematiko naman ang pagbibigay ng ayuda.
Napag-alaman na si Usec. Tanjusay ay ipinadala ni DSWD Sec. Erwin Tulfo sa Aklan upang personal na i-monitor ang pay-out.
Ilan sa mga nakita nitong problema kanina ay ang pagbabakasakali ng ilang mga magulang at estudyante na makasama sa listahan bagamat nauna ng inanunsyo na hindi sila tatanggap ng walk-in beneficiaries.
Kanina ang mga social worker pa rin ang kumakausap sa kliyente habang ang LGU ang nagbigay ng venue para sa payout at mga dagdag na tauhan katulad ng mga cashier, pulis, mga traffic enforcer at tanod.
Muli naman nitong ipinaalala sa mga naghahangad na makatanggap ng educational assistance na magparehistro muna at maghintay ng text message bago pumunta sa itinalagang venue ng payout.
Ito ay para maiwasan ang nangyaring gulo sa distribusyon noong nakaraang Sabado, Agosto 20.










