Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy na maibibigay ang relief assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng aktibidad ng Bulkang Mayon matapos makatanggap ng donasyon na 300 metriko toneladang bigas mula sa Ministry of Agriculture, Forestry, and Fisheries ng Japan.
Sinabi ni DSWD-Disaster Response Management Bureau (DRMB) Director Michael Cristopher Mathay na malaki ang maitutulong ng donasyong bigas sa mga relief efforts at matiyak na maibibigay ang tulong sa mga Mayon evacuees.
Aniya, ang gusto umano ni Secretary Rex Gatchalian, ang mga bodega ng DSWD ay dapat laging punuin ng mga relief goods at non-food items para maging maayos ang supply para sa mga Mayon evacuees habang nananatili sa temporary shelters.
Ang 10,000 sako ng bigas, bawat isa ay tumitimbang ng 30 kilo, ay ipapamahagi sa mga apektadong pamilya sa Daraga, Camalig, Guinobatan, Tabaco City, Malilipot, Sto. Domingo, at Ligao City sa lalawigan ng Albay.
Binigyang-diin ni Mathay ang pangangailangan ng komprehensibong diskarte sa pagharap sa mga sakuna, at kinikilala ang kahalagahan ng pandaigdigang pagtutulungan sa pagtugon sa mga banta ng kalamidad.
Dagdag niya, ang gobyerno ng Pilipinas, lalo na ang DSWD na ang mandato ay magbigay ng agarang tulong sa mga naapektuhan ng mga sakuna.
Tinitiyak ng donasyon na ito na ang kinakailangang masustansyang suporta ay makakarating sa mga residente na apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Para matiyak na matatanggap ng mga evacuees ang bigas na donasyon ng Japan, sinabi ni Mathay na nakikipagtulungan ang DSWD sa city o municipal social welfare and development officers para ipatupad ang distribution plan ng bigas ayon sa evacuation centers ng mga ito.