-- Advertisements --

Minamadali na raw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagre-release ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program nito para sa mga kababayang naapektuhan ng krisis ng COVID-19.

Ayon kay DSWD Sec. Rolando Bautista, nakapag-roll out na sila ng cash assistance sa ilang rehiyon at lugar sa Metro Manila.

Inaasikaso naman na raw ang release para sa iba pang nakapag-comply sa requirements ng ayuda.

Sa ilalim ng programa, 18-milyong mahihirap na pamilya ang target bigyan mula sa P1-bilyong budget na inilaan.

Aminado ang DSWD na posibleng hindi lahat ng pamilya sa bawat lokal ang maambunan ng benepisyo.

Bunso daw kasi ito ng hakbang ng Department of Finance kung saan limitadong bilang ang inirekomendang isali sa programa.

Sa kabila nito, tiniyak ni Sec. Bautista na sakaling ma-extend ang enhanced community quarantine ay isasali na ang mga hindi napasali sa listahan.

Pinag-aaralan na raw ngayon ng economic managers ang paghingi pa ng mas mataas na budget para sa naturang programa.