-- Advertisements --
dswd educational assistance3

Humiling na ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lokal na pamahalaan para i-assess o salain ang mga kwalipikadong benepisyaryo para mapabilang sa Sustainable livelihood program (SLP) ng ahensiya.

Ito ay kasunod ng pagdagsa ng mga taong umaasang makakuha ng cash aid sa tanggapan ng DSWD sa Maynila kahapon, Enero 13 kung saan humigit-kumulang 2,000 indibidwal ang pumila sa pag-asa makakuha ng kanilang payout.

Ayon sa DSWD, kailangang tipunin ng mga lokal na pamahalaan ang listahan ng mga potensyal na benepisyaryo ng programa mula sa kani-kanilang hurisdiksyon na ieendorso naman sa mga kinauukulang DSWD Field Offices.

Ang isang indibidwal na gustong mag-avail ng livelihood assistance ay maaaring direktang magsumite na ng kanilang mga dokumento para sa aplikasyon sa kanilang LGU.

Binigyang-diin naman ng DSWD na kailangan ng mga benepisyaryo nito na dumaan sa isang serye ng orientation at pagsasanay bilang bahagi ng proseso ng pagpili para sa programa.

Samantala, nilinaw naman ng DSWD na ang pagdagsa ng mga tao sa kanikang tanggapan ay dahil lamang sa paglaganap ng “fake news” na kumalat sa pamamagitan ng SMS at fake Facebook accounts.

Pinaalalahanan naman ng kagawaran ang publiko na maging mapanuri sa impormasyong nakukuha mula sa unverified source o maaaring kumonsulta at magpadala ng mensahe kaugnay sa mga concern sa mga programa ng DSWD sa pamamagitan ng kanilang official social media account.