-- Advertisements --

Tinulungan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang babaeng lumabas sa imbornal sa Makati City matapos gawing tahanan ito.

Kinilala ang babae bilang si Rose. Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, bibigyan si Rose ng P80,000 na tulong upang makapagsimula ng sarili niyang tindahan, alinsunod sa kanyang pangarap.

Kasama rin sa plano ang pagsuporta sa kanyang partner na si Jerome, na marunong mag-welding. Posibleng mabigyan siya ng training at welding machine upang magkaroon sila ng mas matatag na kabuhayan.

Naglibot din ang kalihim sa mga lansangan ng Makati upang mag pa-abot ng tulong sa iba pang mga walang tirahan at hikayatin silang sumama sa ‘Pag-abot Shelter,’ isang programa ng DSWD para sa mga taong nasa lansangan.

Nangako si Rose na tutulungan niya ang ahensya sa paghikayat sa iba na magpunta sa shelter para mabigyan ng tulong.

Matatandaang umani ng reaksyon si Rose matapos makuhanan ng video na lumalabas sa imburnal. Nilinaw niyang hindi siya doon nakatira at pumasok lamang sa imburnal para kunin ang isang nahulog na cutter blade.

Dating nangungupahan sina Rose at Jerome sa Pasong Tamo, Makati.