Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpadala ng mahigit 443,000 family food packs sa Cebu at mga karatig na lugar matapos ang magnitude 5.1 na lindol na tumama sa Bogo City noong Lunes ng hapon.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, nakikipag-ugnayan na ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad.
Nakahanda rin ang ahensya na magbigay ng karagdagang tulong at mag-preposition ng relief goods, lalo na’t nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng magkaroon pa ng mga aftershock.
Dagdag pa ng DSWD, naka-standby ang kanilang mga regional office sa Visayas, pati na ang mga kagamitan tulad ng mobile command centers, mobile kitchens, at water systems para sa agarang deployment kung kinakailangan.
Una rito, kinumpirma ng PHIVOLCS na ang lindol ay aftershock ng mas malakas na magnitude 6.9 na tumama rin sa parehong lugar noong Setyembre 2025, na nagdulot ng malaking pinsala sa lalawigan.
Samantala, pinayuhan ang mga residente ng Cebu na manatiling alerto at makipagtulungan sa kanilang lokal na pamahalaan para sa kaligtasan.
Nauna nang pinasinayaan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ang mas pinalakas na production system ng Visayas Disaster Resource Center, na kayang magprodyus ng hanggang 30,000 food packs kada cycle upang mas mapabilis ang pagtugon sa mga kalamidad.















