Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian ang patuloy na tulong para sa mga biktima ng magnitude 6.8 na lindol na tumama sa bahagi ng Mindanao.
Ayon sa kalihim, napagkasunduang ipagpatuloy ang pamimigay ng suporta sa food packs hanggang sa kakailanganin ng mga apektadong lokal na pamahalaan.
Siniguro pa ng DSWD official ang walang patid na pamamahagi ng tulong sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng ahensiya habang ang iba pang tulong ay target na makumpleto ng DSWD field office sa mismo o bago ang December 15.
Maliban dito, mamamahagi din ng tulong pinansiyal ang naturang kagawaran sa pamamagitan ng Emergency Cash Transfer program simula sa Enero ng susunod na taon.
Nitong Lunes, pinangunahan ng kalihim ang pamamahagi ng AICS payout sa 1,000 benepisyaryo sa Malapatan at 600 beneficiaries sa Glan sa lalawigan ng Sarangani na tinamaan ng malakas na lindol.
Habang nakatanggap naman ang mga nasiraan ng bahay ng PHP10,000 bawat isa at ang mga bahagyang napinsala ang kanilang bahay ay nabigyan ng PHP5,000 bawat isa.