Handa si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na humarap sa Kongreso para depensahan ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) ng ahensya matapos maghinala ang ilang senador na ginagamit umano ito sa kontrobersyal na people’s initiative campaign.
Sinabi ni Sec. Gatchalian na ang P26.7 bilyong social assistance program, na naglalayong tulungan ang mga minimum wage earner o ang “near-poor” ay isang karagdagan sa pondo ng DSWD.
Ipinaliwanag din ng kalihim kung bakit mahalaga magkaroon ng ganitong klaseng ayuda para sa mga minimum wage earners. Aniya, tumutulong ang mga ito sa ating ekonomiya kayat kailangang maging responsive ng gobyerno at sa palagay ng opisyal ay panahon na para mabigyan sila ng atensyon.
Muling iginiit din ni Sec. Gatchalian na ang departamento ay hindi pa gumagastos ng kahit isang sentimo ng AKAP program dahil ginagawa pa rin nila ang mga guidelines nito.
Nangako rin ang DSWD chief na mahigpit na susundin ng guidelines ang espesyal na probisyon ng batas, na protektahan ang mga minimum wage earners para makayanan ang economic shocks tulad ng inflation.
Matatandaang nabunyag ang AKAP na alokasyong P26.7 billion sa 2024 budget sa gitna ng imbestigasyon sa People’s Initiative para sa pag-amyenda sa Saligang Batas na hinihinalang nagamit para makalikom ng lagda sa mga tao.
Maaalala din na nauna nang sinabi ng ilang senador na ang AKAP ay isa umanong “House insertion” at hindi nila alam ito hanggang sa maging available ang pinal na 2024 spending plan. (With reports from Bombo Everly Rico)