Nauunawaan umano ng 15-anyos na suspek ang kanyang ginawang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, batay sa paunang assessment ng mga social worker ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, ipinakikita ng inisyal na pagsusuri na alam umano ng menor de edad ang kaniyang mga ginawa.
Dahil dito, maaari nang sumailalim sa proseso ng korte ang kaso, habang nasa hukuman na ang pagpapasya kung tatanggapin ang assessment ng DSWD kaugnay ng pananagutan ng suspek.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na hinihintay pa ang resulta ng psychological assessment sa 15-anyos at sa 14-anyos nitong kasama upang matukoy ang motibo sa krimen at ang naaangkop na intervention para sa kanila.
Matatandaang noong Hunyo 22 ay naganap ang pamamaril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City, na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng iba pa.
Nahaharap sa kasong kriminal ang 15-anyos na suspek, habang exempted naman sa criminal liability ang 14-anyos na kasama nito alinsunod sa Republic Act No. 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act.
Sa kasalukuyan, nananatili sa kustodiya ng DSWD rehabilitation center ang dalawang menor de edad.
















