Aarangkada na sa darating na Setyembre 1, 2023 ang dry run ng cashless toll collection sa mga tollway concessionaires na tinatayang magtatagal ng hanggang dalawang buwan.
Sa isang pahayag ay sinabi ng Toll Regulatory Board na ang naturang aktibidad ay layuning matiyak na magiging handa ang tollway concessionairs at operators para sa mas smooth at efficient na reimplementation ng contactless program nito.
Ayon sa naturang regulatory board, bago ang pagsisimula ng dalawang buwang dry run ay una na silang nagsagawa ng mga special performance audits mula noong buwan ng Pebrero hanggang Hunyo.
Dito ay ibinida rin ng konseho na maraming mga toll plaza at toll lanes sa bansa ang 98% na nakapasa sa readability ratae, gayundin ang ilang mga expressways na nakapasa naman sa parameters ng account management.
Samantala, kabilang sa mga masasakupan ng dry run ay ang North Luzon Expressway, Subic-Clark-Tarlac Expressway, Cavite-Laguna Expressway, Manila-Cavite Toll Expressway-C5 Southlink.
Kasama rin dito ay ang Ninoy Aquino International Airport Expressway, South Metro Manila Skyway Stages 1&2, South Luzon Expressway, Muntinlupa-Cavite Expressway, Metro Manila Skyway Stage 3, Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway and Star Tollway.