-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang drug pusher nang manlaban sa mga otoridad sa anti-drug operation sa Cotabato City.

Nakilala ang nasawi na si Justin Kasuyo, residente ng Purok Pag-asa, Barangay Rosary Heights 10, Cotabato City.

Ayon kay Cotabato City PNP Drug Enforcement Unit chief, Captain Erickson Bona na nagsagawa sila ng drug buy bust operation sa Brgy RH 10 ng lungsod.

Nang iabot ng suspek ang shabu sa asset ng pulisya ay napuna nito na mga otoridad ang kanyang katransaksyon.

Tumakbo si Kasuyo at pinaputukan ang mga pulis na humahabol sa kanya.

Nang malapit na itong masukol ay nanghagis ng granada ngunit hindi sumabog.

Patay on the spot si Kasuyo nang magtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Narekober ng mga pulis ang isang cal. .45 pistol, isang granada at ilang pakete ng shabu at mga drug paraphernalia.

Kinompirma rin ni Captain Bona na dalawang mga pulis ang tinamaan sa barilan ngunit maswerteng hindi tumagos sa kanilang katawan ang bala dahil pawang naka-bullet proof vest ito.

Hinuli naman ang isa sa apat na mga kasamahan ni Kasuyo at sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.