Nagpasaklolo na sa mga mambabatas ang mga drivers and operators ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) hinggil sa pagtaas ng fare commission na kinakaltas ng Grab Philippines.
Ayon kay LABAN TNVS President, umaaray na ang mga drivers at operators dahil sa mataas na kaltas na commission kaya imbes na madagdagan ang kita nababawasan pa ito.
Kaya panawagan ng mga drivers and operators ng TNVS ibaba ng grab ang kinakaltas nilang fare commission.
Inihayag ni de Leon, dahil sa itinaas na 2 percent na komisyon ng Grab sa kita ng mga TNVS drivers, may 12 hanggang 16 oras nang nagmamaneho ang mga driver para lamang kumita sa kada pasada.
Sinabi ni De Leon na silang mga operators ay nagbababa ng boundary lalo at kapag tumaas ang presyo ng gasolina ng sa gayon may kikitain pa rin ang mga driver.
Panawagan ng mga ito sa mga mambabatas, panahon para i-regulate ang mga ganitong isyu.
Sa kabilang dako, wala umanong alam ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa itinaas na 2 percent fare commission na kinakaltas ng Grab sa mga TNVS drivers na nasa APP ng naturang kumpanya.
Ang itinaas na komisyon ng Grab na kinakaltas sa kita ng TNVS drivers ay sinimulan ng kumpanya noong December 1 ngayong taon.
Nilinaw naman ng LTFRB, ang fare adjustment lamang ang pinayagan ng ahensiya para sa mga pampasaherong sasakyan at ang 2 percent fare commission ng Grab sa kita ng TNVS drivers ay kasunduan lamang ng Grab sa kanilang mga TNVS partners.
Sa ginanap na pagdinig ng House committee on Metro Manila Development, sinabi ng LTFRB na sila ang nagreregulate ng fare matrix ng lahat ng pampasaherong sasakyan ngunit ang 2% fare commission na kinukuha ng Grab sa kita ng TNVS drivers ay internal agreement ng mga ito.
Kaugnay nito, nagalit si Congresswoman France Castro (ACT) sa representative ng Grab dahil hindi nito maipaliwanag sa panel kung magkano ang mawawala sa kanilang kita kung hindi na ikakaltas sa kita ng TNVS drivers ang itinaas na 2% commission ng Grab sa mga ito.
Kinuwestyon din ni Castro kung bakit nagpadala ng representative ang Grab sa pagdinig ng Kongreso gayung wala itong maipahayag na sagot sa kanilang mga tanong.
Hiniling nito sa komite na isubpoena ang executive ng Grab upang ito mismo ang magpaliwanag ng kanilang quiry hinggil sa reklamo ng mga drivers sa sobrang taas nang kinakaltas na komisyon ng Grab sa kanilang kita bilang driver ng TNVS.