CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang driver matapos siyang barilin ng naka-away sa kalsada sa Napaccu Pequeño, Reina Mercedes, Isabela.
Ang biktima ay si Marlon Asuncion, 41-anyos, may-asawa, driver at residente ng Napaccu Grande, Reina Mercedes, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Ferdinand Datul, hepe ng Reina Mercedes Police Station, sinabi niya na habang binabagtas ng biktima at angkas sa motorsiklo ang kahabaan ng National Highway sa Brgy. Napaccu Pequeño ay bigla umano silang binaril ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo.
Tinamaan sa tiyan ang biktima na noon ay nagmamaneho ng motorsiklo habang nasugatan ang kanyang angkas matapos matumba ang motorsiklo.
Agad namang humarurot palayo ang dalawang lalaki sakay ng kanilang motorsiklo.
Ayon sa angkas ng biktima, may nakaaway sila sa kalsada na dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo at sinundan umano sila mula Brgy. Napaccu Grande hanggang sa Brgy. Napaccu Pequeño kung saan nangyari ang pamamaril.
Narekober sa lugar ang isang basyo ng bala ng kalibre kuwarenta’y singkong baril.
Patuloy ang hot pursuit operation ng mga otoridad para matukoy ang posibleng gunman.
Nakikiusap din ang hepe ng pulisya sa mga nakakita o nakakaalam sa krimen na makipag-ugnayan sa kanila at tiniyak na itatago nila ang kanilang pagkakilanlan.