Dahil na rin sa tumataas na bilang ng mga kumpirmadong kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa, patuloy ngayon ang isinasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag-convert sa mga shipping containers para gawing mobile health facilities.
Bahagi pa rin ito ng nagpapatuloy na efforts ng DPWH para tulungan ang Department of Health (DoH) ngayong humaharap ang bansa sa krisis.
Ayon kay DPWH Sec. Mark A. Villar, mayroon na silang isang ginawang prototype health facility na container van na kinonvert ng DPWH National Capital Region (NCR).
“While spread of infection seems to have slowed down because of the enhanced community quarantine, we just have to be ready in the event that the situation worsens,” ani Villar.
Una nang inirekomenda ng DPWH Task Force to Facilitate Augmentation of Local and National Health Care Facilities na binuo ni Villar ang conversion ng mga shipping containers na magiging emergency healthcare facilities.
Sinabi ng kalihim na inihanda na rin ng DPWH ang design plans sa apat na high cube containers na may habang 40 feet at lapad na walong talampakan at taas na nine feet na gagawing mobile field hospital.
Puwede raw itong gamiting isolation at treatment ng 16 probable COVID-19 cases.
Base sa plano, ang one-storey health facility na 40-footer shipping container ay gagawan ng apat na silid at ide-desing alinsunod sa DoH guidelines at recommendations para magkaroon ng proper ventilation, toilet at bath sa bawat kuwarto.
Ito ay magagamit sa bawat probable COVID patient na nangangailangan ng full isolation.
“We’re ready to convert these containers into mobile hospitals and install them in any available hospital grounds or open public spaces,” dagdag Villar.