Ipinahayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon na sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng tatlumpung araw ang labing-limang bus units ng GV Florida Transport Incorporated bilang paunang hakbang habang iniimbestigahan ang insidente ng anim na bus ng kumpanya na tila nagkakarerahan sa kahabaan ng national highway mula Diadi, Nueva Vizcaya hanggang Cordon, Isabela noong ika-walo ng Hunyo.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Dizon na kabilang sa mga sinuspindeng bus ay ang may rutang Sta. Ana hanggang Sampaloc sa Cagayan at Baguio hanggang Apayao, na natukoy na “out of line” o labas sa kanilang awtorisadong ruta.
Bukod dito, sinuspinde rin ng Land Transportation Office (LTO) ng siyam napung araw ang lisensya ng mga driver ng anim na bus na sangkot, at inatasan na sumailalim sila sa mandatory drug test.
Bagamat humingi na ng paumanhin sa publiko ang pamunuan ng GV Florida Transport at nangakong tututukan ang insidente, hindi ito tinanggap ni Dizon. Aniya, kahit walang nasaktan, may pananagutan pa rin ang kumpanya sa pagiging responsableng tagapaghatid ng pasahero.
Nagbabala rin si Dizon sa lahat ng kumpanya ng pampublikong transportasyon na kapag naging ireponsable kayo sa kalsada at hindi inuna ang kaligtasan ng mga sakay na pasahero, mabigat ang magiging kapalit nito.