-- Advertisements --
MRT 3

Pabor ang Department of Transportation (DOTr) sa pagpapanatili ng mandatoryong pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong transportasyon sa bansa.

Kasunod ito nang naging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na luwagan na lamang ang pagsusuot nito sa mga open space o lugar na hindi masyadong matao.

Sa isang statement ay sinabi ni DOTr Secretary Jaime Bautista na kinakailangan pa ring nakasuot ng face mask ang mga pasaherong sasakay sa mga pampublikong transportasyon bilang proteksyon at maiwasan na rin ang muling pagkalat at hawahan ng COVID-19.

Aniya, sa ngayon ay mananatili ang mahigpit na ipinatutupad na health and safety protocols ng kagawaran sa mga pampublikong transportasyon bilang bahagi ng new normal.

Kabilang na rito ang pagbabawal sa pagsasalita, o pakikipag-usap sa telepono, at maging ang pagkain sa loob ng pampublikong sasakyan; kinakailangan din na mayroong maayos na ventilation ang mga PUV; palagiang pagdi-disinfect; pagbabawal sa mga pasaherong may sintomas ng COVID-19; at pagpapanatili ng tamang physical distancing.