Iginiit ng Department of Transportation (DOTr) na tuloy ang pag-arangkada ng plano nitong modernisasyon sa mga public utility jeeps (PUJs) sa kabila ng lumutang na ulat sa Senado hinggil sa pagtigil umano nito.
Nilinaw ng Transportation department na bagamat tuloy ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay bukas pa rin sila sa mga operator na bigong makakapag-renew ng kanilang mga pampasadang sasakyan sa deadline na Hunyo 2020.
“Mariing iginigiit ng Kagawaran ng Transportasyon na tuloy na tuloy at walang atrasan ang pagpapatupad ng PUVMP,” ayon sa DOTr statement.
“Ito ay bilang paglilinaw sa mga balitang lumabas matapos ang deliberasyon ng Senado sa panukalang P147-billion budget ng DOTr,” dagdag ng ahensya.
“Ang nabanggit ay kung sakali mang mabigo ang mga operator ng mga lumang jeepney na mag-modernize ng kanilang mga unit pagsapit ng Hulyo 2020, pansamantala ay pahihintulutan muna sila ng DOTr na makapamasada sa kondisyong papasa ang kanilang mga lumang unit sa roadworthiness test sa ilalim ng technology-based Motor Vehicle Inspection System (MVIS), na walang human intervention.”
Sa deliberasyon ng Senado para sa pondo ng DOTr sa 2020, sinabi ng sponsor ng budget na si Sen. Sherwin Gatchalian na susundin ng kagawaran ang rekomendasyon ni Sen. Grace Poe.
“They complied with your recommendation so all PUJs will be allowed to ply on the road as long as they pass the motor vehicle inspection system or road worthiness test,” ani Gatchalian.
Kapag pumasa ng MVIS ang isang unit ng jeep ay makakatanggap ng pang-isang taon na Provisional Authority ang operator mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Kaakibat nito ang responsibilidad na taunang pagpapasailalim sa road worthiness check ng unit.