-- Advertisements --

MANILA – Itinanggi ng Department of Science and Technology (DOST) na nagpasa ng aplikasyon ang Chinese pharmaceutical company na Sinopharm para sa clinical trials ng kanilang COVID-19 vaccine sa Pilipinas.

Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng report na binalewala raw ng Department of Health (DOH) ang interes ng kompanya na mapag-aralan din ang kanilang bakuna sa bansa.

Ayon sa DOST, matapos maaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagsali ng Sinopharm sa clinical trial, dalawang proposal agad ang pinadala nito sa kagawaran.

“(1) the conduct of their clinical trial will be funded by the Philippines, or (2) Philippines will recognize the approval/authorization from their country,” nakasaad sa statement ng Science department.

Sinagot naman daw agad ng ahensya ang kompanya, at inamin na tanging mga pag-aaral sa ilalim ng World Health Organization lang ang popondohan ng estado.

Matapos nito, hindi na raw nakipag-usap muli ang Sinopharm sa mga opisyal ng gobyerno.

“In response, DOST wrote back to them to say that the Philippines only funds trials under the WHO Solidarity Trial. The DOST notes that Sinopharm never responded to this letter.”

Itinanggi ng Health department ang paratang ng ilang nagpakilalang representative ng local distributor ng naturang Chinese vaccine na MKG Universal Drugs Trading Corporation.

Kinumpirma ng DOH ang approval ng IATF sa aplikasyon ng Sinopharm, taliwas sa report na hindi nila pinansin ang liham ng kompanya.

“The country’s participation in several clinical trials including that of Sinopharm’s was approved by the Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) as early as May, as resolved in the IATF-EID Resolution No. 39 dated 22 May 2020,” ayon sa Health department.

Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na wala pa ring ipinapasa na application ang Sinopharm para sa clinical trial o emergency use authorization.