Nakatakdang magpulong ang Department of Science and Technology (DOST) at manufacturer ng pinag-uusapang Sputnik V, o bakunang dinevelop ng bansang Russia laban sa COVID-19 ngayong araw.
“Ang pag-uusapan ngayon with the DOST, how we can possibly have the clinical trial here also in the Philippines. Titingan natin kung ano yung magiging resulta ng pag-uusap between Gamaleya (Research Institute of Epidemiology and Microbiology ),” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Nilinaw ng opisyal na dadaan pa rin sa regulatory procedures ang Sputnik V, tulad ng approval sa research ethics board at Food and Drug Administration (FDA) bago magka-clinical trials dito sa bansa.
“Magkakaroon din ng inclusion and exclusion criteria base on the capacity nitong bakuna yung characteristic.”
Nakita na raw ng DOH sa nauna nilang meeting ng DOST ang listahan ng mga candidate vaccines na sumasailalim sa iba’t-ibang antas ng trials sa buong mundo.
Nakapaloob din umano sa ipinresentang data ng Science department ang impormasyon ukol sa kapasidad ng manufacturers na makagawa ng bakuna sa loob ng isang taon.
“So that we can acertain kung ilan talaga ang kakailanganan, o mapo-produce ba o makakakuha ba tayo talaga.”
Ayon kay Dr. Jaime Montoya, ang head ng DOST-Philippine Council for Health Research and Development, kailangang masiguro ang kaligtasan at pagiging epektibo ng bakuna bago gamitin sa mas malaking bilang ng populasyon.
Nitong Lunes nang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang sumali sa mga gagamitan ng Russian-developed vaccine. Mismong si President Vladimir Putin din daw ang nangako sa chief executive na makakatanggap ang Pilipinas ng gawa nilang bakuna.