
LEGAZPI CITY – Walang nakikita ang alkalde ng Donsol, Sorsogon na dahilan upang i-ugnay sa politika ang pagkamatay ng tatlong aspirants sa local positions na natagpuang patay sa Albay.
Ayon kan Mayor Josephine Alcantara Cruz sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isa ang Donsol sa pinakatahimik na bayan sa Sorsogon tuwing sasapit ang halalan kaya labis ang kaniyang pagkabigla sa nangyari.
Nabatid na makakalaban sana nito bilang bise alkalde sa susunod na taon ang isa sa mga biktima na si incumbent municipal councilor Helen Garay.
Paliwanag nito na kahit pa magkakaiba sila ng partido tuwing halalan ay itinuturing na kaibigan at kapamilya ang isa’t isa.
Kaugnay nito, siniguro ni Cruz ang pakikipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan kasabay ng panawagan sa mga posibleng testigo sa krimen na agad na lumapit sa mga otoridad.
Samantala, nilinaw ng alkalde ang mga agam-agam na kay kinalaman siya sa naturang insidente dahil alam umano ng mga tao sa Donsol na hindi sumagi sa kaniyang isipan na gumawa ng karahasan upang manalo sa eleksyon.
Aniya, regular siyang may nakakalaban sa nakalipas na mga halalan subalit napanatili ang katahimikan dahil sa intensyon ng mga aspirants na mapagsilbihan ang publiko.










