-- Advertisements --

Pinabulaanan ng country superstar na si Dolly Parton ang mga spekulasyon kaugnay ng kanyang kalusugan, kung saan sinabi niya sa isang social media post na “ain’t dead yet.”

Matatandaan na inanunsyo ni Dolly ang pansamantalang pagpapaliban ng kanyang Las Vegas show na nakatakdang kasabay ng National Finals Rodeo sa Disyembre 4 at 13. Ayon sa kanya, siya ay may karamdaman ngunit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye.

Mas lalong nabahala ang mga tagahanga ni Dolly nang mag-post sa social media ang kanyang kapatid na si Freida Parton, kung saan humiling ito ng panalangin para sa kalusugan ng singer.

Kaugnay nito, nilinaw ni Dolly sa isang video na hindi pa siya handang mamatay at hindi pa tapos ang kanyang trabaho.

“There are just a lot of rumors flying around. But I figured if you heard it from me, you’d know that I was okay,” ani Dolly.

Samantala, nakatakda namang matuloy ang pagtatanghal ng country superstar sa Las Vegas sa taong 2026.