-- Advertisements --

Ipinag-utos ngayon ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III na sundin ang status quo order sa operasyon ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) habang hinihintay na maisaayos ang Department of Migrant Workers (DMW).

Kasabay nito, sinabi ni Bello sa mga opisyal at kawani ng POEA at DOLE na magtrabaho lamang ang mga ito at gampanan ang kanilang mga tungkulin habang hindi pa nabubuo ang DMW.

Ang naging pahayag ng kalihim ay tugon sa mga naglabasang report na nagdulot ng kalituhan sa mga serbisyo at pagka-antala ng serbisyo na naglagay sa alanganin sa mga migrant workers.

Dahil dito, pinakilos na rin ni Bello si POEA administrator Bernard Olalia at sundin ang kanyang direktiba at gawin ang kanyang tungkulin para sa kapakanan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).

Dagdag ng kalihim, wala raw pang-pondo mula sa 2023 general appropriations act para sa DMW gayundin sa implementing rules and regulation (IRR) at mga kawani.