-- Advertisements --

Naglabas ang Department of Labor and Employment ng guidelines para sa tamang pasahod sa holidays ngayong buwan ng Hunyo 2025.

Sa inisyung Labor Advisroy 8 series of 2025, binigyang diin ng DOLE na dapat masunod ang payment pay rules para sa mga holiday sa Hunyo 6 bilang pag-obserba sa Eid’l Adha at sa Hunyo 12 bilang pagalala sa Independence day na idineklarang regular holidays salig sa inisyu ng Palasyo Malacañang na Proclamation 911.

Sa mga empleyadong papasok sa regular holiday, dapat na makatanggap ang mga ito ng double pay o 200% ng basic wage para sa unang walong oras.

Kapag lagpas ng walong oras o overtime sa regular holiday, dapat na makatanggap ang empleyado ng karagdagang 30% ng kaniyang orasang sahod maliban pa sa double pay.

Kapag nataon naman na rest day at pumasok sa regular holiday, dapat na makatanggap ang empleyado ng karagdagang 30% ng basic wage maliban pa sa double pay.

Kung lagpas sa walong oras na trabaho at nataon na pumasok sa rest day, dapat na mabigyan ng dagdag na 30% ng orasang sahod ang empleyado.

Ang mga empleyado naman na hindi papasok sa regular holiday ay dapat na makatanggap ng 100% ng kanilang sahod, basta’t ang empleyado ay pumasok sa trabaho o naka-leave of absence with pay sa araw bago ang regular holiday.

Kapag ang araw naman bago ang regular holiday ay non-working day sa isang establishimento o scheduled rest day ng isang empleyado, dapat pa ring makatanggap ng holiday pay kapag nagtrabaho ang empleyado o naka-leave of absence with pay sa mismong araw bago ang non-working day o rest day.