Naghahanda na ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pinal na panukalang batas na nag-uutos ng P100 arawang minimum wage hike para sa mga manggagawa sa pribadong sektor ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma.
Ito ay kasunod na rin ng pag-apruba ng Senado noong Lunes sa ikatlo at huling pagbasa sa panukalang batas na nagmumungkahi ng P100 na dagdag sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ayon kay Sec. Laguesma, kanilang aantayin ang pinal na panukalang batas. Paliwanag pa ng kalihim na ang mandato ng DOLE bilang isang executive department ay magpatupad ng batas na ipalalabas o ipapasa ng Kongreso.
Bagama’t hindi partikular na binanggit ng kalihim kung may epekto o hindi sa inflation ang panukalang P100 na dagdag sahod, sinabi naman ng opisyal na ang wage order ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board kamakailan na nagbibigay ng umento sa sahod ng mga minimum wage earners at household helpers ay may minimal na epekto sa ilang economic indicators.
Ang tinutukoy ng opisyal ay ang Wage Order No. RB XI-22 na nagbigay ng P38 na umento sa arawang suweldo ng mga minimum wage worker at kasambahay sa rehiyon ng Davao at Wage Order No. RB-IVA-DW-04 na nag-utos naman ng P1, 000 na pagtaas sa buwanang minimum wage ng mga kasambahay sa rehiyon ng Calabarzon. (With reports from Bombo Everly Rico)