Hindi tutulan ng Department of Labor and Employment ang panukala ni Senate President Juan Miguel Zubiri para sa P100 legislated minimum wage increase kasunod ng inaprubahan kamakailang P40 na minimum wage hike para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na “nothing is enough” pagdating sa usapin ng pagtaas ng suweldo lalo na kung isasaalang-alang ang kalagayan ng mga manggagawang minimum wage at kanilang mga pamilya.
Gayunpaman, sinabi niya na ang karagdagang pagtaas ng sahod sa ibabaw ng bagong pagtaas ng suweldo ay dapat balansehin sa pangangailangan na lumikha ng mga bagong trabaho at payagan ang mga mamumuhunan na magkaroon ng patas na return of investment.
Ang micro, small and medium enterprises o MSMEs ay kumakatawan sa 99% ng mga negosyo sa bansa, ayon sa 2021 na listahan ng mga establisyimento ng Philippine Statistics Authority.
Ayon kay Laguesma, ang DOLE ay hindi kumokontra dahil ang pagpapanukala ng batas ay mandato ng lehislatura ng bansa.
Aniya, ang mahirap na trabaho ng regional tripartite wages and productivity board ay balansehin ang kakayahan din ng mga mamumuhunan lalo na ang pagsasangalan-alang sa karamihan ng mga negosyo ay nasa kategoryang micro, small and medium enterprises.
Nauna nang sinabi ni Sen. Zubiri na hindi sapat ang P40 na dagdag-sahod matapos niyang ipanawagan ang across-the-board na P150 daily minimum wage hike.