CENTRAL MINDANAO-Hinihimok ng Department of Labor and Employment o DOLE-Cotabato ang mga mamamayan partikular ang mga apektado ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic na gamitin ang mga flagship program ng departamento.
Kabilang sa mga programang ito ay ang DOLE Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers Program (TUPAD), at Special Program for the Employment of Students (SPES).
Sa DILEEP, layunin nito na mabawasan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay ng emergency employment o trabaho at pagtataguyod ng negosyong pangkomunidad para sa mga manggagawang mangangailangan.
Ang TUPAD naman ay isang community-based assistance package na nagbibigay ng emergency employment para sa mga displaced worker, underemployed, at unemployed sa loob ng hindi bababa sa 10 araw.
Ang mga benepisyaryo ay maaaring makakuha ng pang-araw-araw na sahod depende sa pinakamababang antas ng sahod na umiiral sa kanilang lalawigan o rehiyon.
Samantala, ang SPES ng DOLE ay isang employment-bridging program na naglalayong magbigay ng pansamantalang trabaho sa mahihirap ngunit karapat-dapat na mga mag-aaral, out-of-school youth, at mga dependent ng mga displaced o magiging displaced na manggagawa.
Ang mga benepisyaryo ay magtatrabaho ng 20 hanggang 78 araw.
Pagdating naman sa suweldo, 40 percent ay manggagaling sa DOLE habang ang 60% ay sasagutin ng kanilang employer.
Ayon kay DOLE-Cotabato Province provincial director Marjorie Latoja, noong nakaraang taon, tinulungan ng DOLE-Cotabato Province ang mahigit 68,000 indibidwal sa pamamagitan ng tatlong nasabing programa.
Sa nasabing bilang, 60,858 indibidwal ang nag-avail ng TUPAD; 7,267 ang naging benepisyaryo ng SPES; at 1,260 ang nakinabang sa livelihood program ng departamento.
Para sa mga interesadong mag-avail ng programa, bumisita lamang sa field office ng DOLE sa Kidapawan City o sa Public Employment Service Office sa kani-kanilang local government units.
Maaari ring makipag-ugnayan ang mga aplikante sa hotline number ng DOLE-Cotabato Province na 0963-127-3687.