BUTUAN CITY – Nasampahan ng kaso sa pamamagitan ng inquest proceedings ang high value target na doktor matapos itong nahuli sa isinagawang drug buy bust operation ng mga kawani ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Caraga.

Isinagawa ang operasyon pasado alas-6:50 ng gabi, isinagawa sa may Pili Drive, Ochoa Avenue, Brgy. Lapu-Lapu nitong lungsod ng Butuan laban kay Dr. Guillermo Almacin, 49-anyos, may asawa na taga-Brgy. Villa Kananga nitong lungsod ng Butuan.

Ayon kay Dindo Abellanosa, information officer ng PDEA-Caraga, sa labas na sa kanyang sasakyan nakipagtransaksiyon ang doktor sa poseur-buyer.

Nabilhan ito ng isang sachet ng suspected shabu at nakuha mula sa kanyang posisyon ang 11sachets ng droga.

Sa kabuuan, umabot sa 5.9 gramo ng suspected shabu ang nakuha mula sa suspek na nagkakahalaga ng P40,120.

Nagnegatibo naman ang doktor sa isinagawang drug test.

Kahapon naisampa na ang kasong paglabag sa section 5 at section 11 ng RA 9165 laban sa doktor na walang inirekomendang piyansa.