-- Advertisements --
Screenshot 2019 06 25 18 18 03

Pormal nang ipinag-utos ni Justice Sec. Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa umano’y pagpasok at planong paglulunsad ng karahasan ng mga terorista sa ilang lugar sa Northern Luzon.

Sa inilabas ni Guevarra na Department Order No. 413, inatasan nito si NBI Director Dante Gierran na magsagawa na ng case build up at imbestigasyon sa mga lumabas na report na pagpasok ng foreign terrorists na may kaugnayan o link sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at iba pang violent extremist groups.

Kapag napatunayan umanong totoo ang lumabas na report ay dapat na agad masampaan ng kaukulang kaso ang mga nasa likod ng naturang plano.

Ipinag-utos din ng kalihim kay Gierran na magsumite ng initial report sa isinasagawa nilang imbestigasyon sa Agosto 31.

Pagkatapos nito ay kailangan ding magsumite ang NBI ng periodic reports sa kaso.