-- Advertisements --

Kinumpirma ni Justice Sec. Menardo Guevarra nitong araw na humingi ng tulong sa kanya ang aktres na si Sharon Cuneta patungkol sa social media post ng isang netizen na nagbabantang gahasain ang kanyang anak na si Frankie Pangilinan.

Sa kanyang text message sa mga mamamahayag, sinabi ni Guevarra na idinulog sa kanya ng aktres ang naturang issue at balak aniya nitong maghain ng criminal complaint pero pinayuhan daw niya ito na i-establish muna ang pagkakakilanlan at lokasyon ng netizen na nagbanta sa kanyang anak.

Sinabi ni Guevarra na lumalabas ngayon na tukoy na ni Cuneta ang pagkakakilanlan ng lalaking naglathala ng malisyosong post gayundin ang lokasyon, pangalan at address ng employer nito.

“Should Ms. Cuneta proceed to file a criminal complaint with the DOJ (Department of Justice), we shall verify the respondent’s identity and address for the purpose of giving him notice,” ani Guevarra.

Sa kanyang Instagram account, nag-post si Cuneta kahapon, Hunyo 20, ng umano’y quote mula sa isang lalaking nagngangalang Sonny Alcos na nagbabantang gahasain si Frankie.