Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) dito sa bansa, hanggang sa kasalukuyan ay wala pa raw nakanselang preliminary investigation sa National Prosecution Service (NPS) na nasa ilalim ng Department of Justice (DoJ).
Ayon kay DoJ Spokesperson Markk Perete, hanggang walang abiso o kautusan ang mga eksperto o mga health authorities ay ipagpapatuloy pa rin nila ang mga pagdinig sa mga kaso.
Dagdag pa nito na sa kanyang pagkakaalam ay binabalangkas na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Disease ang guidelines at protocol para sa mga aktibidad na kaugnay sa Code Red Level 1 na idineklara ng Department of Health.
Kasabay nito ay tiniyak ni Perete na susunod sila sa ipapatupad na protocol at ipapatupad nila ang mga kinakailangang pagbabago kaugnay sa mga pagdinig sa mga kaso para matiyak na tuloy-tuloy pa rin ang serbisyo sa publiko.