-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na walang hiningi na kondisyon ang Estados Unidos sa pakikipag-negosasyon nito sa Pilipinas para sa supply ng bakuna laban sa COVID-19.

Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ni Presidential spokesperson Harry Roque na posibleng may kinalaman ang paggawad ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon kay convicted US Marine Joseph Scott Pemberton para maging prayoridad ng Amerika ang bansa sa vaccine supply.

“Sa tingin ko itong desisyon ng Presidente — ito ay personal na opinyon ko — ang pagbibibay ng pardon kay Pemberton ay kabahagi ng pagnanais ng President na kapag mayroon nang vaccine na na-develop — kung sa Amerika man — ay makikinabang din ang Pilipinas,” ani Roque sa isang public briefing.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, lahat ng bakuna at gamot kontra COVID-19 na papasok sa bansa ay dadaan sa regulatory process. Ibig sabihin, kailangan itong dumaan sa pagsusuri at approval ng research ethics board, Food and Drug Administration at Research Institute for Tropical Medicine.

“We had discussions already from manufacturers from the US. No conditions were provided or given para sa atin. Lahat ng mga yan ay dadaan sa regulatory process natin so hindi tayo naka-receive ng kahit anong kondisyon na ganito base on the discussion we have had with the manufacturers in the US.”

“Lagi naming sinasabi, lahat ng bakunang papasok dito para masiguro nating safe yan at epektibo yan against COVID-19 has to go through regulatory process.”

Una nang sinabi ng DOH na wala pang committment ang kompanyang Pfizer para magkaroon ng trials dito sa bansa. Ito’y kasunod nang anunsyo ng naturang manufacturer na posibleng sa susunod na buwan ay tapos na ang kanilang Phase 3 clinical trials sa bakuna.