Patuloy daw na binabantayan ng Department of Health (DOH) ang mga gumaling nang pasyente ng coronavirus disease sa bansa, mula sa posibilidad na makaranas ng “long COVID.”
Pahayag ito ng ahensya sa gitna ng mga nagsulputang ulat ukol sa ilang recovered cases sa ibang bansa na nakakaramdam pa ring ng sintomas ng COVID-19 kahit sila ay gumaling na.
“When we say it’s ‘long COVID,’ ito yung sinasabi sa mga experiences across the globe, ito yung mga after mong maka-recover you still experience ng mga sintomas,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang press briefing.
Ayon sa opisyal, parte ng protocol sa recovered patients ang pagre-report sa kanilang local health officers sakaling makaramdam pa rin sila ng sintomas ng COVID-19.
“Or any health matter na kanilang irereklamo pagkatapos nilang maka-recover. This is a passive monitoring where individuals are instructed to call on to their local health officers if and when they experience COVID-related symptoms again.”
Ilan sa mga naitalang sintomas na naramdaman pa rin ng recovered cases sa ibang bansa ay ang pagkahilo, nahihirapan matulog, chest pains sa mga matatanda, at pakiramdam na pagod.
“Tsaka yung loss of taste and smell. Matagal bumalik ang kanilang pang-amoy at panlasa.”
“Pinag-aaralan natin ito sa ngayon, kino-kolekta natin yung mga information and individuals who are experiencing these kinds of symptoms para mailagay natin sa isang study.”










