Mas mabilis na raw napo-proseso ng data management team ng Department of Health (DOH) ang test results ng COVID-19.
Ayon sa ahensya, wala na silang hawak na backlog sa validation dahil sa loob lang ng isang araw ay agad natatapos ng itinalagang team ang pagva-validate sa mga datos na galing laboratoryo.
“There is no backlog for validation because once the data from the laboratories has been transmitted to DOH, our Data Management Team finishes processing this data within 24 hours.”
Sa ngayon ang problema na lang daw ng DOH ay ang mabagal at minsan ay late na pagsusumite ng datos ng mga laboratoryo.
“The inconsistent submission of laboratories of their complete linelists and incomplete and late submission of case data by the disease reporting units.”
Kung titingnan ang case bulletin ng DOH sa mga nakalipas na linggo, makikita na hindi lahat ng laboratoryo ay nakakapagpasa ng kanilang datos.
“There will always be a gap if there are delays in laboratory report and case information submission to DOH.”
Nakausap na raw ng ahensya ang data reporting units tulad ng ospital, local government units, kasama ang mga laboratoryo at ipinaalala ang kahalagahan ng timely na submission ng mga datos.
Nitong Lunes, sinabi ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na marami pa ring reporting units ang hindi gumagamit ng bagong sistema nila sa pag-uulat ng data.
“We are still challenged with the reports, marami pa ring (reporting units) hindi gumagamit ng CDRS at COVIDKaya. Gusto pa rin nila via e-mail.”
Nagbabala ang DOH sa reporting units na papatawan ng parusa na late pa ring makakapag-submit ng kanilang hawak na datos sa COVID-19.
“Nakalagay naman don sa RA ng Notifiable na obligasyon ng bawat reporting unit, specially this is a public health emergency. They are supposed to submit to us.”
“Kapag tiningnan mo yung Hospital Licensure Act, kasama yan sa requirements ng facility. Kung hindi sila magsu-submit there would be sanctions as indicated in different laws. Usually kapag mga lisensyadong facility yan like laboratories o ospital na disease reporting units, license talaga nila ang nakataya dyan.”
Sa huling ulat ng DOH noong Hulyo, aabot pa raw sa 12,000 ang testing backlog. Ito yung mga nakuhang samples na hindi pa naisasailalim sa actual run test, na siyang maglalabas ng resulta.










