Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) matapos pangalanan ang ilang lugar sa Visayas, bukod sa Cebu City, bilang “emerging hotspots” ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, ikinonsidera ng ahensya ang pagsulpot ng mga kaso ng sakit mula sa mga lugar na dati ay mababa o walang COVID-19 cases.
“Wala silang kaso dati, tapos biglang nagkaroon silang kaso. Yung iba naman, mayroon silang dalawang kaso tapos naging 16 yung kaso.”
“Kapag nakakakita tayo ng mga ganitong growth in the number of cases, we classify them as hotspots because, para sa operations mababantayan silang maigi.”
Bukod sa Cebu City, tinawag din na emerging hotspot ng DOH ang natitirang bahagi ng Cebu province, Leyte, Southern Leyte, Ormoc City, at Samar.
Binisita na raw nina Sec. Francisco Duque at iba pang miyembro ng National Task Force ang mga nabanggit na lugar para suriin ang sitwasyon at pangangailangan ng mga ito.
“We also provided necessary logistics already and there is now this daily updating.”
Kamakailan nang italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Environment Sec. Roy Cimatu bilang punong-tagamasid sa COVID-19 situation ng Cebu City.










