-- Advertisements --

MANILA – Aabot sa higit 4-million kabataan na nasa pagitan ng edad 9-59 months old ang nakatakdang bakunahan kontra measles ngayong buwan, bilang bahagi ng pinalakas na programa ng Department of Health (DOH) sa pagbabakuna.

Ayon kay Dr. Maria Wilda Silva, program manager ng National Immunization Program ng DOH, aprubado sa ilalim ng isang Inter-Agency Task Force resolution ang pagpapatuloy ng immunization activities kahit nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa.

“Walang door to door ngayon na pagbabakuna, but in modified fixed post,” ani Dr. Silva.

“Ang ating stratehiya na gagawin ngayon ay fixed post. Ibig sabihin, sa lahat ng mga health facilities, centers, barangay health centers, ospital at lying-in clinics. Bukas sila mula alas-8:00 hanggang alas-5:00 ng hapon.”

Bahagi rin daw ng immunization strategy ng ahensya ang pagtatayo ng modified site sa mga itinuturing na strategic locations tulad ng basketball court, barangay hall o gymnasium.

Mula October 26 hanggang November 25 lalakad ang Phase 1 ng immunization ng Measles-Rubella vaccine sa halos lahat ng rehiyon sa bansa, maliban sa Central Luzon, NCR, Calabarzon, Western, Central at Eastern Visayas.

Kasabay ng immunization sa measles ang roll out din ng oral Polio vaccine sa mga parehong rehiyon, sa mga kabataang nasa edad 0-59 months old.

Screenshot 2020 10 07 11 02 41
IMAGE | DOH presentation

Lalakad naman ang Phase 2 ng immunization sa measles at polio sa February 1 hanggang 28 nang susunod na taon sa mga rehiyon na hindi kasali sa Phase 1 ng immunization roll out.

“Despite the COVID-19 pandemic, a high-quality immunization activity is urgently needed to avert a possible measles outbreak in 2021 and halt the ongoing polio recirculation in communities. We encourage parents and caregivers to have their children immunized” ani Health Sec. Francisco Duque.

Sa huling tala ng DOH, mayroong 3,557 kaso ng measles sa buong bansa ngayong taon, at 2.4-milllion kabataan daw ang susceptible o malaki ang tsansa na tamaan ng sakit.

Screenshot 2020 10 07 10 52 53
IMAGE | DOH presentation

Sinabi rin ng ahensya na posibleng magkaroon ng measles outbreak sa susunod na taon, kaya ngayon pa lang ay dapat nang palakasin ang supplemental immunization activity.

Samantala, nasa 27 naman ang may polio infection, o mga kabataang nag-positibo sa sakit. Ang 17 sa kanila ang itinuturing na polio cases o nagkaroon na ng kapansanan dahil sa polio.

Magugunita na noong 2019 nang muling makapagtala ng polio outbreak ang Pilipinas matapos ang halos dalawang dekada.

Nilinaw ng Health department na libre ang matatanggap na bakuna ng mga bata kontra sa tigdas at polio.

“Libre po ito. Ang pagbabakuna po sa bata ay pangmalawakang depensa sa mga nakakahawa at malulubhang sakit na maaaring magdulot ng pagkamatay at kapansanan,” ani Health spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire.