Tiniyak ng Department of Health (DOH) na authentic o tunay ang lahat ng mga bakunang ginagamit sa mga vaccination sites sa bansa.
Sinabi ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire matapos na maaresto ang tatlong indibidwal na umano’y nagbebenta ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccines noong nakaraang linggo.
Ayon kay Vergeire, ang mga bakuna na ibinibigay ng national government na siyang ginagamit naman sa mga vaccination sites ay authentic at dumaan sa masusing proseso.
Mayroon din aniyang emergency use authorization at certificate of analysis ang mga bakunang ginagamit sa mga vaccination sites sa bansa.
Bukod dito, lahat ng mga COVID vaccines sa bansa ay binili mismo o sa pamamagitan ng national government.
Samantala, hinihimok ng opisyal ang publiko na tangkilikin ang mga bakuna na binibigay ng national government sa pamamagitan ng mga official vaccination sites.
Noong nakaraang linggo, tatlong katao ang naaresto dahil sa umano’y pagbebenta ng COVID-19 vaccines.
Tinukoy ng National Bureau of Investigation Task Force Against Illigal Drugs ang mga suspek na sina Kour Singh, Calvin Roca, at Alexis de Guzman, na isang registered nurse sa isang ospital sa Manila.