Nilinaw ng Department of Health (DOH) na accurate o tiyak at hindi nagmimintis sa paglalabas ng resulta angmga confirmatory tests para sa COVID-19.
Reaksyon ito ng ahensya matapos kwestyunin ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang kanyang COVID-19 test bago dumalo ng State of the Nation Address, kung saan siya ay nag-positibo sa ikalawang pagkakataon.
“I’m not quite sure of the sensitivity of these machines, if they can distinguish dead or live ones,” ani Zubiri sa kanyang privilege speech nitong Martes.
Dagdag pa ng senador, mas mabuti pa ang makinang ginagamit ng Philippine Red Cross kung saan negatibo ang kanyang confirmatory test.
GeneXpert machine ang ginamit sa pagkuha ng resulta sa test ni Zubiri. Mas mabilis kasi itong maglabas ng resulta kumpara sa regular na PCR tests.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, sensitibo talaga ang mga PCR test. Kaya kahit maliit na latak ng patay nang virus ay kaya nitong ma-detect.
“We reiterate that the polymerase chain reaction (PCR) is very sensitive and can detect the virus and/or virus genetic materials/remnants.”
Kung maaalala nag-positibo si Zubiri noong Marso sa COVID-19. Ayon sa DOH may mga ebidensya nang nagpapatunay na maaaring manatili na positibo sa PCR test ang isang confirmed case kahit matagal na itong nag-negatibo sa parehong test.
“Nais po naming i-emphasize na ang GeneXpert machine po ay isa rin pong klase ng PCR machine o PCR test,” ani Vergeire.
Sa ngayon, inaabot daw ng 48 hanggang 56 na oras ang turnaround time bago maglabas ng resulta ang mga PCR tests.
Ang GeneXpert machines naman ay nasa pagitan ng 24 hanggang 27 hours ang turnaround time.










