-- Advertisements --

Target ngayon ng Department of Health (DOH) na taasan pa ang kanilang bakunahan ng booster shot kada araw sa mahigit 400,000.

Ito ay bilang bahagi pa rin ng pagpapaigting ng kagawaran sa kanilang “PinasLakas” campaign matapos itong mabigo na makamit ang kanilang daily goal mula pa noong nagsimula ang kampanyang ito.

Ayon kay DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, upang makamit ng kagawaran ang 23.8 million na target nilang mabakunahan sa October 8 ay kinakailangan nilang makapagturok ng nasa 443,892 na unang booster shot at makapagbigay ng bakuna sa 20,774 na mga senior citizen araw-araw.

Paliwanag ng opisyal, sa mahigit na 397,000 daw kasi aniya nilang target kada araw ay umabot lamang sa 384,000 na booster shot ang kanilang naipamahagi habang nasa 17,000 naman ang para sa mga kababayan nating senior citizen mula noong inilunsad ng DOH ang kampanyang bakunahan nito kontra COVID-19.

“So sa ngayon inadjust na po natin ang targets natin. For our senior citizens so that we will reach 1 million plus by October 8, kailangan na natin magbakuna ng 20,774 senior citizens per day hanggang sa makatapos ng October 8. At kailangan na natin magbakuna ng first booster shots ng 443,892 per day hanggang sa October 8,” ani Vergeire.

Samantala, iniulat naman niya na sa kasalukuyan ay mayroon nang 15,468 na mga vaccination sites para sa “PinasLakas” campaign.

Habang nakapagtayo na rin ang DOH ng nasa 5,484 mobile vaccination sites, 2,814 vaccination sites sa mga paaralan, 1,458 sa mga workplace, 529 sa mga lugar sambahan, 335 vaccination sites sa iba’t-ibang merkado sa buong bansa, at 281 naman na mga transport terminals.

Idinagdag din ni Vergeire na mayroon nang mahigit 71.8 million na mga Pilipino ang mayroon nang kumpletong bakuna laban sa COVID-19 mula noong August 5.

Matatandaan na una nang tinarget ng pamahalaan na makapagbakuna ng booster shot sa 23.8 million na mga Pilipino sa loob ng unang 100 araw ng administrasyon Marcos Jr. kung saan target nito sanang makapagbakuna ng nasa 397,334 na mga indibidwal kada araw sa loob ng 60 araw.