-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na limitado muna ang distribusyon ng Sputnik V vaccine doses sa mga local government units na may kapasidad sa cold storage nito.

Ngayong Linggo, April 25, inaasahang dadating sa Pilipinas ang unang batch ng Russian-developed vaccines na aabot sa 15,000 doses.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, kinakailangang maimbak sa madilim at may temperatura na -18 degrees centigrade na cold storage facility ang Sputnik V.

“Itong ganitong klaseng storage ay hindi makikita sa lahat ng lugar sa Pilipinas. Kaya pagdating ng Sputnik V meron lang po tayong mga assigned local governments that will receive because they have the capability to store this kind of vaccines,” ani Vergeire sa Laging Handa public briefing.

Una nang sinabi ng DOH na posibleng sa Metro Manila at ilang kalapit na lalawigan muna i-rolyo ang bakuna na dinivelop ng Gamaleya Research Institute.

Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez, tinatayang 3-million Sputnik V vaccine doses ang dadating sa bansa hanggang Hunyo.

Mayroon nang emergency use authorization sa Pilipinas ang Russian vaccine.