MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kailangan pa rin sumailalim sa screening ang mga taong babakunahan na ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccines.
Pahayag ito ng ahensya matapos sumulpot ang mga ulat na may ibang nabakunahan ng second dose nang hindi man lang sinusuri ng mga nasa vaccination sites.
“The screening guidelines for both first and second dose are the same kasi may mga specific circumstances na hindi natin pwedeng bigyan ng bakuna ang mga kababayan,: ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Pinaalalahanan ng opisyal ang publiko at vaccinators na mahalagang magkaroon ng screening bago ang pagtuturok ng bakuna.
Dito raw kasi malalaman kung may sintomas ng COVID-19 at iba pang sakit ang isang tao.
“Kailangan talaga maisaayos at ma-advice na kailangan screening will still be done.”
“Ang hindi na lang natin gagawin kapag second dose ay yung pagkuha ng informed consent dahil it covers the both first and second dose of the vaccine.”
Batay sa huling datos ng DOH, as of April 21, tinatayang 209,456 na ang nabakunahan ng dalawang doses ng COVID-19 vaccine. Nasa 1.353-million naman ang sa unang dose.