Binigyang diin ng Department of Health (DOH) ang paalala nito sa publiko hinggil sa pagsunod sa minimum health standard protocols.
“Ang lagi nga naming pinapaalala mula ng lumabas yung forecast na ito, people should help us in mitigating na hindi dapat mangyari ito,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang online media forum.
“Hanggang sa wala pa tayong bakuna, the most effective way for us to combat this disease would be for us to practice the non-pharmaceutical interventions.”
Ayon sa opisyal, maraming pag-aaral ang sumusuporta sa pagiging epektibo laban sa risk ng COVID-19 infection ang pagsusuot ng face mask, paghuhugas ng kamay, physical distancing at wastong pag-ubo at pagbahing.
Paalala ni Usec. Vergeire, kailangang maging maingat sa pagintindi ng inilalabas na projection ng mga eksperto.
“Kailangan lang klaro tayo lahat in understanding what models are and estimates are. These estimates, they use models for them to assume the certain number that will happen over time.”
Una nang sinabi ng UP OCTA Research Team na posibleng umabot ng 40,000 ang COVID-19 cases sa bansa sa pagtatapos ng Hunyo.
Sa huling tala ng DOH, nasa 36,438 na ang bilang ng confirmed cases sa Pilipinas. Ang datos na ito, ikinatuwa ni Presidential spokesperson Harry Roque.
“Today is the last day na pala, ano ba ang sinasabi ko. Panalo na tayo, we beat the UP prediction po. We beat it, so congratulations Philippines, let’s do it again in July,” ani Roque sa Laging Handa public briefing.










