Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa publiko, partikular na sa mga magulang, na makibahagi sa malawakang “Patak kontra Polio” drive sa ilang lugar sa bansa ngayong buwan ng Oktubre.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na sa darating na Oktubre 14 hanggang 27 ay magdaraos sila ng vaccination drive kontra polio sa National Capital Region, Lanao del Sur, Davao del Sur at Davao City.
Iginiit ni Duque na hindi dapat binabalewala ang libreng bakuna na ibinibigay ng pamahalaan dahil napatunayan na sa loob ng mahabang panahon ang pagiging ligtas, de kalidad, at epektibong proteksyon na iginagawad nito.
Ipinapaalala ng kalihim na kapag walang sapat na proteksyon ay posibleng magkaroon ng lubhang karamdaman sa mga sakit ang isang indibidwal na maari namang maiwasan sa oras na kumpleto ang pagbabakuna.
Magugunita na idineklara ng DOH ang polio outbreak sa Pilipinas matapos na makapagtala ng mga confirmed cases ng naturang sakit.
Sa Lanao del Sur lang ay mayroong confirmed case na ng circulating vaccine drive polio vaccine type 2, habang sa Manila naman ay may dalawang nagpositibo sa circulating vaccine drive polio type 1 naman.