Hindi sang-ayon ang Department of Health (DOH) sa resulta ng isang pag-aaral mula sa Ateneo de Manila University na nagsabing aabot sa halos 3-milyong COVID-19 cases sa bansa ang underreported o hindi ini-report ng gobyerno.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire bigo ang researcher na ikonsidera ang pagkakaiba ng health system ng Pilipinas at iba pang bansa na nabanggit sa naturang pag-aaral.
Hindi rin daw akma na isama ang case fatality rate o bilang ng mga namamatay dahil sa COVID-19 bilang sa mga basehan ng research.
“Kapag tiningnan kasi natin, kinumpara niya rin yung iba’t-ibang bansa… Thailand, Singapore with Philippines, so lagi natin dapat alalahanin that comparing countries with different health system capacities and with different types of health systems is not really appropriate. So doon pa lang may question na tayo sa datos na kanyang pinapalabas,” ani Vergeire.
Batay sa 13-pahinang research mula Department of Economics ng Ateneo, nakasaad na 96 hanggang 99% ng COVID-19 cases mula sa tinatawag na ASEAN-5 countries, kabilang diyan ang Pilipinas, Malaysia, Indonesia, Thailand at Singapore, ang hindi na-detect mula Abril hanggang Hunyo.
“Roughly three million Filipinos (2.6% of the national population) may have been infected by the virus in the same period—the worst record in the ASEAN-5 group in percentage terms,” nakasaad sa pag-aaral.
Nakalagay din sa research na bigo ang estado na kontrolin ang pagkalat ng sakit. At kahit umano pinalawak na ang testing ay hindi naman nito naaabot ang buong populasyon.
Dapat daw gayahin ng bansa ang naging stratehiya ng Vietnam na tinest lahat ng taong nakatira sa mga lugar na mataas ang transmission ng sakit.
Ang naging batayan nang pag-aaral na yan ay ang computation at estimation ng isang hiwalay na pag-aaral ng mga researchers sa Amerika at Europe noong Abril.
Ayon kay Usec. Vergeire, bukas naman ang ahensya sa mga ganitong pag-aaral pero dapat umanong maging maingat sa paghahambing ng estado sa ibang bansa dahil posibleng magdulot ito ng mali o hindi patas na interpretasyon.
Handa rin daw makipag-ugnayan ang ahensya sa researcher ng lumabas na pag-aaral.
“We always welcome this kind of forecast and estimation, tinitingnan natin yan baka makakatulong. Pero pinag-aaralan pa rin naman ng mas thoroughly para makapagbigay kami ng kumpleto na komento tungkol dito.”