-- Advertisements --

Patuloy umanong pinalalakas ng Department of Health (DOH) ang kanilang istratehiya o ang prevent-detect-isolate-treat-reintegrate strategies dahil na rin sa banta ng isa na namang variant ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) na Deltacron.

Kasunod na rin ito ng posibilidad na pagkalat ng tinatawag na recombinant virus na Delta-Omicron (Deltacron) variants.

Sinabi ni National Vaccination Operations Center chair at Health Undersecretary Dr. Myna Cabotaje, na kabilang sa mga measure na pinalakas ang genome sequencing para kaagad madetermina kung Deltacron ang kumakalat na variant dito sa bansa.

Wala naman aniyang dapat ikabahala sa sinusunod na minimum health standard at todo rin ang panawagan nila sa lahat na magpaturok ng COVID vaccine.

Ayon pa kay Dr. Cabotaje, game chager ang nasabing variant kaya kailangan ng karagdagang proteksiyon ng ating mga kababayan.

Una rito, sinabi ni Presidential Adviser on COVID-19 Response Secretary Vince Dizon na lagi naman umanong nakahanda ang pamahalaan sa emergence ng bagong variant.

Dagdag niya, ang Deltacron variant ay hindi raw “dominant variant of concern” ngayon sa Pilipinas.

Nabatid mula sa World Health Organization na unang na-detect ang Deltacron sa France.