Tiniyak ng Department of Health (DOH) na hindi maaapektuhan ng tensyon sa pagitan ng Amerika, China at Russia ang pagsisiguro ng Pilipinas sa supply ng posibleng bakuna laban sa COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya matapos ianunsyo ng kompanyang Pfizer sa Estados Unidos na sa huling bahagi ng Oktubre ngayong taon ay posibleng makapag-distribute na sila ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, batid naman ng Amerika na nakikipag-negosasyon din ang Pilipinas sa iba pang bansa na nagde-develop ng bakuna.
“I dont think this will affect our negotiations with other institutions and companies. Alam naman ng lahat ng bansa, hindi lang Pilipinas ang nagkakaroon ng iba’t-ibang pagne-negotiate sa iba’t-ibang manufacturers, all countries will do that. So that they can appropriate and adequate vaccines para sa kanilang mga population.”
Katunayan, advantage pa raw ng ating bansa ang negosasyon sa iba’t-ibang estado dahil tiyak na may matatanggap tayo na supply ng bakuna, kapag may napatunayan nang ligtas at epektibo mula sa mga dini-develop na COVID-19 vaccine.
“Its complimentary kasi halimbawa Pfizer can offer as this much and then Russian government can offer as this certain percentage of those vaccines and then the other manufacturers can offer us baka sakaling mataas yung pwede nating bigyan na members ng population natin with this COVID vaccine eventually.”
Nitong hapon nakipag-pulong ang mga opisyal ng DOH, Department of Foreign Affairs at Office of the President sa representatives ng Pfizer.
Magugunitang may partnership din ang Pilipinas sa ilang laboratoryo sa China at Taiwan na nagde-develop ng bakuna laban sa coronavirus.
Bukod dito, nilalakad na rin ng estado ang mga dokumento para makapagsagawa ng clinical trials dito sa bansa ang Sputnik V vaccine na gawang Russia.
Pati na ang bakuna na gawa ng Sinovac Biotech biopharmaceutical company, na bunga ng partnership ng Indonesia at China.