-- Advertisements --

Inaasikaso na raw ng Department of Health (DOH) ang proseso para madagdagan pa ang target na bilang ng mga pasyenteng isasali sa gaganaping Solidarity Trial o malawakang clinical trial ng World Health Organization (WHO) sa COVID-19 vaccines sa Pilipinas.

“Yes nandoon tayo sa direksyon na we will be increasing our number of participants to 4,000. Ating lang ginagawan ng final arrangements with WHO,” ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.

Kamakailan nang sabihin ng opisyal na sa Disyembre nakatakdang magsimula ang WHO Solidarity Trial sa bansa, at may apat na bakuna nang pinagpipilian na isali.

Bukod sa mga bakunang mapipili ng WHO, inaasahan din ang hiwalay na clinical trial sa bansa ng iba pang COVID-19 vaccines, kabilang na ang mula sa kompanyang Sinovac ng China.

Batay sa ulat, may nakapasok na raw sa Pilipinas na supply ng kanilang Coronavac vaccine at naghihintay ng approval sa Food and Drug Administration (FDA).

“Lahat ng kailangan pumasok na bakuna sa ating bansa na gagamitin ng ating populasyon ay kailangan dumaan sa regulatory process to ensure that these products are safe and its going to provide you the specific effect.”

“FDA is constantly monitoring these products online and in the market that are not registered.”

COLD STORAGE FACILITY FOR VACCINES

Kabilang din sa pinagkakaabalahan ng Health department ay ang cold storage facility para sa mga bakuna. Ayon kay Vergeire, hindi naman lahat ng bakuna ay mangangailangan ng striktong pasilidad bilang imbakan.

“Yung mga bagong platforms ngayon tulad ng mRNA vaccines like f that Moderna and Pfizer, sila lang ang nagre-require talaga ng ultra-low freezer na storage facility dahil they need -80 degrees na storage facility of these types of vaccines.”

May ilang mga bakuna naman daw na ang requirement lang ng temperature storage ay 2-8 degrees centigrade. Target ng kagawaran na makapagpatayo ng cold storage facilities sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Bukod sa gobyerno, kausap din ng ahensya ang private sector para sa mga kakailanganin pagdating ng mga bakuna.

Handa rin umano ang World Bank at Asian Development Bank na tumulong sa pagpapatupad ng vaccine distribution.

“Mayroon tayong enough for that because we had been using this for the longest time with our current vaccines in storage for our national immunization program… of course ating pinaghahandaan itong ating storage facility so that we can be able to store as much vaccines that we would need in order to distribute to the population.”

“The legislators have already committed na kung anong mga pangangailangan para dito sa ating bakuna na ine-expect ay tutulong sila.”

Nilinaw naman ni Vergeire na imposible pang magpatupad ang gobyerno ng “fill and finish method” sa distribusyon ng bakuna. Ang pangmatagalang plano raw kasi ng pamahalaan ay makapagpatayo ng Vaccine at Virology Institure na mangangasiwa sa paga-aaral at development ng mga sakit at bakuna.

“Ito ay medium term, it’s not going to happen in this 2020 or 2021 kasi kailangan paghandaan, magpatayo ng fill and finish facility yung mga interesadong pharmaceutical company.”

“We are trying to scope our partners kung sino ang pwede na magkaroon ng ganito and may mga interested na, I think two companies.”