-- Advertisements --

MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na kailangan pang dumaan sa masusing pag-aaral ng mga eksperto ang posibilidad ng pagbibigay ng ikatlong dose ng COVID-19 vaccine.

“We need sufficient evidences to say if additional doses are required for any type of vaccine,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Aminado ang opisyal na may ilang pag-aaral nang ginagawa tungkol sa kung gaano katagal ang bisa ng mga bakuna.

Pero kailangan din daw hintayin ang rekomendasyon ng World Health Organization at iba pang institusyon bago i-konsidera ang pagbibigay ng ikatlong vaccine dose.

“Until we can have these complete information and evidence, we are going to d the status quo. Magbabakuna tayo ng magbabakuna, bibilisan natin siya.”

Sa isang panayam sinabi ni Pfizer CEO Albert Bourla na posibleng kailanganin ng mga nabakunahan ng COVID-19 vaccine na maturukan pa ng ikatlong dose matapos ang 12-buwan.

Ito ay para raw makasiguro na protektado ang populasyon sa sakit, lalo na’t may presensya ng mababagsik na virus variants.

“It is extremely important to suppress the pool of people that can be susceptible to the virus,” ani Bourla sa interview ng ANC.

Nitong Huwebes nang maglabas ng dagdag na guidelines ang DOH kung saan pinapayagan ng magpabakuna ang mga gumaling na sa COVID-19.

Kung maaalala, inirekomenda noon ng ahensya na maghintay muna ng 90-days o tatlong buwan ang isang recovered patient bago tumanggap ng bakuna.

“Pinalitan natin dahil ayon sa mga ebidensya at paguusap-usap ng ating mga eksperto, and base sa CDC, WHO, wala namang problema na bigyan ng bakuna ng COVID-19 ang mga taong nagkaroon na ng (coronavirus) infections in the past.”

“Wala ring sinabi ang WHO at CDC ng period of time you have to wait before you get vaccinated.”

Nilinaw naman ng ahensya na kailangang sundin ang tatlong buwang period ng mga taong tumanggap ng convalescent plasma at monoclonal antibody treatment sa coronavirus.

“Gusto lang natin masiguro na anong antibody ang nag-work sayo, was it the vaccine? Monoclonal antibody na tinake mo? o convalescent plasma.”